An unexamined life is not worth living. Socrates

Martes, Oktubre 6, 2015

MALIGAYANG ARAW NG MGA GURO!!!

Oktubre 5 ang tinaguriang Araw ng mga Guro ng Mundo. Nahuli ang aking pagsulat ng isang parangal para sa mga milyong-milyong mga guro ng mundo, lalung-lalo na sa mga gurong Filipino, ang haligi ng kinabukasan ng bansa, ang tanglaw ng dunong, ang binhi ng karunungan, dahil sa pagiging abala sa aking pag-aaral sa abogasiya.

Huli man, ang aking kathang-wika ngayong araw ay iniaalay ko sa gurong Pinoy - matiyaga, mapagkalinga, mapag-malasakit at higit sa lahat, mapag-aruga sa mga mag-aaral.

Bilang isang propesyonal na guro mismo, alam ko ang mga pagsubok na hinaharap ng mga guro sa Pilipinas. Ang talamak na kakulangan sa mga gamit pampaaralan, ng mga silid-aralan na pawang hindi kasyang ipasok ang ating mga mag-aaral ay isa lamang sa mga samu't saring mga daluyong araw-araw ng hinaharap ng ating mga guro.

Ano ba ang isang katangi-tanging larawan ang aking nakikita sa isang guro?

Ang guro ay hindi lamang nagtuturo ng konsepto o kaalaman, higit sa lahat, nililinang niya ang mga talento at likas na galing ng isang mag-aaral, ipinapakita niya ang daan sa pag-iisip at nagtatanim ng pag-asa sa mag-aaral na ang nais gusting makamtan ay kayang maabot kung magsisikap at magtiyatiyaga.

Ang guro ay nagsisigurong ang larangan ng pag-aaral ay bukas sa pagtatanong, pananaliksik, pagtutulungan, pagbubukas-isip, pagsasantabi ng mga alinlangan at pagtatanim ng pagkamausisa.

Ang guro ay naniniwala sa kakayahan ng kanyang mag-aaral, ginagabayan ang mag-aaral na mahanap ang kanyang mga kahinaan at tinutulungan na malinang ang kanyang mga tagong talento. Hindi nananakot, hindi nagagalit, hindi nawawalan ng pag-asang kaya ng kanyang mga mag-aaral tahakin ang mundo ng karunungan.

Mabuhay ang mga guro - mabuhay ang mga gurong Filipino!!!!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento